Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na magtatayo ng Tripartite Council upang matugunan ang unemployment, underemployment at job-skills mismatch sa bansa.
Ang House Bill 7370 ay nakakuha ng 277 pabor na boto at tatlong tutol na boto.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez mahalaga na matugunan ang hindi pagtugma ng mga kakayahan ng mga nagtatapos na estudyante at mapapasukang trabaho at employment opportunity sa hinaharap.
“Part of our unemployment problem is due to the fact that many of the new members of our labor force do not possess the competency employers are looking for. Their education and job requirements do not match. This is one of the problems we would like to address in approving the bill,” sabi ni Romualdez.
Sa ilalim ng panukala, ang Tripartite Council ay bubuohin ng kinatawan mula sa gobyerno, academe, at industry sector. Trabaho nito na bantayan ang employment, unemployment, underemployment, at job-skills mismatch at gumawa ng mga kinakailangang polisiya at programa upang matugunan ang mga kinakaharap na isyu ng labor force.
Ang Council ay magbabantay din sa mga national at international economic indicators na makakaapekto sa labor force at gagawa ng mga short at long0term policy at rekomendasyon sa Pangulo, Kongreso, at iba pang sangay ng gobyerno.
Inaatasan din ng panukala ang Council na magbigay ng estado ng employment ng mga nagtapos ng kolehiyo at mapapasukang trabaho ng mga bagong graduate sa nakalipas na limang taon at gagawa ng pag-aaral upang matiyak na natutugunan ang pangangailangang empleyado ng mga industriya sa bansa.
(Billy Begas)