WebClick Tracer

Kamara niratipika panukalang amyenda sa AFP officials fixed term law

afp

Niratipika ng Kamara de Representantes ang panukala na mag-aamyenda sa batas kaugnay ng fixed term ng mga piling opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang House Bill 6517 ay niratipika sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo bago nag-adjourn para sa Easter break.

Ang kopya ng panukala ay ipadadala sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo upang ito ay maging batas.

Sa ilalim ng panukala, ang AFP chief of staff ay magkakaroon ng tatlong taong termino maliban na lamang kung ito ay papalitan ng Pangulo.

Ang Commanding General ng Philippine Army (PA) at Philippine Air Force (PAF), Flag Officer in Command ng Philippine Navy (PN) at Superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) ay magkakaroon ng dalawang taong termino maliban na lamang kung sila ay papalitan ng Pangulo.

Upang ma-promote sa posisyong Brigadier General/Commodore o mas mataas pa, maliban sa mga lider ng PA, PAF, PN at PMA, ang isang opisyal ay dapat may nalalabi pang isang taon sa serbisyo bago ang kaniyang compulsory retirement.

Ang compulsory retirement ng Second Lieutenant/Ensign hanggang Lieutenant General/Vice Admiral ay sa pagsapit ng kanilang ika-57 kaarawan o kung umabot na sa 30 taon ang kanilang serbisyo.

Ang compulsory retirement ng chief of staff ay kapag natapos na nito ang kaniyang termino o kapag ito ay pinalitan ng Pangulo. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on