WebClick Tracer

Daming bumabagsak: Polisiya ng professional licensure pinarerepaso

Daming bumabagsak: Polisiya ng professional licensure pinarerepaso

Ipinarerepaso ng isang kongresista ang polisiya kaugnay ng professional licensure dahil sa dami ng bumabagsak.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza na ang mga board examination ay “anti-student, anti-poor, and arbitrary.”

Batay sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC), sinabi ni Daza na ang average passing rate sa 36 na board examination ay 40.81% lamang o mahigit kalahati ang bumabagsak.

Nakakabahala rin umano ang pagsusulat para sa Certified Public Accountants (CPA), fishery technologists, at agriculturists na ang passing rate ay 24.36%, 33.18% at 36.92% lamang.

“Hindi po iyan kasalanan ng students,” sabi ni Daza. “Kasalanan po yan ng CHED (Commission on Higher Education), PRC, or maybe our society in general. And we need to find solutions.”

Ayon kay Daza dapat ding pag-aralan ang paggamit ng alternative “licensing route” na kapalit ng board examination gaya ng ginagawa sa ibang bansa. Sa ganitong paraan ay mayroon umanong ibang opsyon ang mga estudyante bukod sa pagkuha ng board exam.

“Pahirapan na nga ang pagtatapos sa elementary at high school, pati ang pagpasok sa college, aba’y pagdating pa ng board exam—kahit magkanda-baon-baon sa utang ang pamilya para lang may pang pang-review center—ay kailangan pang lumusot sa isa pang butas ng karayom ang ating mga graduates?” dagdag pa ni Daza.

Sinabi ni Daza na maraming estudyante ang mula sa mahihirap na pamilya at pagkatapos nilang mag-aral ay kakailanganin pa nila ng malaking mahalaga para sa review.

Isa sa maaari umanong ipalit sa board exam ay ang apprenticeship program kung saan ibabase ang pagbibigay ng lisensya sa kanila sa kanilang magiging performance at mga training certificate. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on