WebClick Tracer

GOCC na walang pakinabang sa loob ng 30 years pinaiimbestigahan ni PBBM

Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na walang kinikita at walang naiaambag sa gobyerno sa loob ng 30 taon.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile na nadiskubre sa kanilang ginanap na meeting kasama ang Pangulo nitong nakalipas na linggo na walang nakukuhang pakinabang ang gobyerno sa isang gocc.

Inatasan na aniya ng Pangulo ang kanyang gabinete na imbestigahan ang mga director ng gocc kung anong ginawa sa loob ng napakahabang panahon.

“The other day, we discover kasama ang Presidente, a government corporation that has been existing for 30 years ni walang kinita ang gobyerno. Inorderan na ni Presidente yung mga cabinet members na kasama ko doon sa meeting, investigate it. Investigate the directors who have been running that corporation,” ani Enrile.

Hindi naman pinangalanan ng abugado ng Palasyo ang pinaiimbestigahang gocc at sa halip ay hintayin na lamang aniya ang magiging resulta ng imbestigasyon.

Sinabi ni Enrile na sumusuweldo lamang ang mga opisyal ng gocc pero wala namang ipinakitang resulta sa kanilang ginagawa kaya nagsasayang lamang ng pera ang gobyerno sa mga ito.

Sinabi ni Enrile na hindi sinunod ng gocc ang requirement ng gobyerno at mabuti na lamang na nadiskubre ito mismo ni Pangulong Marcos Jr.

“Grabe! Hindi na sinusunod yung mga requirement ng gobyerno doon sa membership ng board eh.Maraming hudas sa tesurerya ng ating gobyerno. Waste of money.Susuweldo-suweldo lang yung mga opisyal at tauhan.Hindi ko na babanggitin kung anong gocc,” dagdag ni Enrile. (Aileen Taliping)#

TELETABLOID

Follow Abante News on