Nasa Bangkok na si Patrick Bren Coo asintang maisakatuparan ang sablay sa Jakarta noong isang linggo papadyak uli sa Thailand BMX Cup 2 sa Kamol Sports Park.
“Maganda ang pakiramdam ko sa kompetisyon ngayon, ramdam ko ang kalakasan at relaks ako,” anang Pinoy pedalpusher na nagdiwang ng ika-21 taong karaawan Biyernes habang ginagamay ang track kasama si PhilCycling off-road coach Frederick Farr.
Ang Thai race – gaya ng Jakarta event – ay Category 1 sa kalendaryo ng International Cycling Union na nag-aalok ng puntos para sa 33rd Summer Olympic Games 2024 sa Paris
Tumigil pansamantala si Coo sa Nursing school – nasa junior year – sa Estados Unidos upang magpokus sa pangarap na makakarera sa Paris Olympics. Kumopo siya ng medalyang pilak sa likod ni Indonesian Gusti Bagus Saputra sa Indonesia BMX 2023 Round 1 sa Pulonas International BMX Center sa Jakarta noong Linggo.
Dehins pa batid ng 2019 Asian juniors champion ang malalakas niyang karibal sa Bangkok patungo sa team managers meeting ngayon (Sabado). Linggo ang larga ng karera.
Kasama sa umaasa ni Coo na makakapasok sa Paris Olympics si 2016 Rio De Janeiro Olympian Daniel Caluag. Tangka niyang makahablot ng ticket sa Paris pagsabak naman sa Hangzhou 19th Asian Games sa Setyembre.
Si Caluag, 36, ang tanging sumungkit ng medalyang ginto ng bansa sa Incheon 2014 Asian Games. nakatanso rin siya sa 2018 Jakarta Asiad, gold sa 2013 Naypyidaw SEA Games, silver sa 2019 PH SEAG at gold sa 2013 Asian Championships.
(Ramil Cruz)