Nadenay ang Team ‘Pinas sa podium ng 10th at final stage ng 13th Biwase Cup 2023 Biyernes ng hapon sa Vietnam, pero umangas ang mga Pinay rider palapit sa Cambodia 32nd Southeast Asian Games sa Mayo.
Tumawid lahat nag limang miyembro ng national women’s team na sina Avegail Rombaon, Mhay Ann Linda, Marianne Dacumos, Mathilda Krogg at Kate Yasmin Velasco sa malaking grupo na isang minute lang ang agwat kay stage winner Lam Thi Kim Ngan ng host country, nagposte sa 120-km final stage ng 2 oras at 44 na minuto.
Nasa malaking grupo ring iyon ang dalawa pang Pinay na sina dating national riders Maura de los Reyes at Jelsie Sabado na pumadyak sa Mixed Team sa araw na nagkaroon ng maraming aksidente sa karera, sangkot si Velasco.
Pero si Velasco – ayon sa coaching staff nina Alfie Catalan, Marita Lucas at Joey de los Reyes – nakatayo naman mula sa semplang. Pero ipapasuri pa rin ang kanyang mga galos pagbalik sa bansa ng koponan ngayon (Sabado).
Sa pangkalahatan, maayos ang naging kampanya ng Nationals sa padyakang inorgnisa ng Vietnam Cycling Federation kung saan pumalag sa intermediate sprints sina Velasco, Krogg, De Los Reyes at kahit ang mga mga bagito pa lang sa internasyunal na kompetisyon.
Pumampito ang Team Philippines – pinadala ng PhilCycling bilang paghahanda sa Cambodia SEA Games at mga sinuportahan ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, Tagaytay City, MVP Sports Foundation, Standard Insurance, Excellent Noodles at 7-Eleven – sa 18 koponan sa team general classiofication na pinamayagpagan ng home squad Tuyen Biwase-Binh Durong.
Ang mga Pinay, madalas ng kumakarera sa labas ng bansa bilang bahagi ng bagong programa ng PhilCycling, nagparamdam din nang tumersera sa Stage 1 at sumegunda sa Stage 9.
Kinipkip ni Batriya Chaniporn ang 23-segundong bentahe sa kapwa Thai na si Somrat Phetdarin at 1:05 kay Vietnamese Bui Thi Quynh upang kopoin ang individual honors.
Pagkaraan ng 10 araw na karera ng bisikleta, tumapos si Dacumos sa pang-16 na puwesto, si De Los Reyes pang-26, si Rombaon pang-30, si Sabado sa pang-36 at si Linda sa pang-55 sa general classicification.
Sanhi ng aksidente, nalaglag si Velasyo sa pang-38 mula sa pang-25.
Pinarangalan naman si Krogg na Miss Beauty ng 13th Biwase Cup 2023- ang side event ng international women’s bikefest na taunang ginaganap bilang bahagi sa pagdiriwang ng Vietnam sa International Women’s Day.
Sunod sa team at kanilang mga kasamahan sa men’s category ang dalawang linggong training-camp sa pa-Cambodia SEAG, sa Subic Freeport Zone.
May kagayang pagsasanay ang mountain bike squad sa Tagaytay City.
(Ramil Cruz)