Magsasagawa ng pagdinig sa Lunes ang House Committee on Ethics and Privileges upang talakayin ang hiling na dalawang buwang leave ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.
Kasabay nito, sinabi ni Committee chairperson at COOP NATCCO party-list Rep. Felimon Espares na maaaring umaksyon na rin ang komite sa sumagot man o hindi si Teves sa sulat na kanilang ipinadala para humingi ng paliwanag kung bakit hindi ito umuwi sa bansa sa kabila ng utos ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at pag-expire ng ibinigay na travel authority dito.
Natanggap na umano ng opisina ni Teves ang sulat, ayon kay Espares.
Maaaring magrekomenda ang komite ng disciplinary action laban sa mga miyembro ng Kamara. Ang parusa ay maaaring pagsabihan lang, suspensyon, o pagpapatalsik sa bilang kinatawan ng Kamara.
Pumunta si Teves sa Estados Unidos para sa stem cell treatment. Nag-expire ang travel authority na ibinigay ng Kamara sa kanya noong Marso 9.
Ayon sa Justice department umalis na si Teves sa Amerika at pumunta sa isang bansa sa Asya.
Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
(Billy Begas)