Hinatulang guilty ang mga miyembro ng Dominguez carnapping group dahil sa pagpaslang kay Venson Evangelista, anak ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) president Arsenio Evangelista.
Sinentensyahan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 215 ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong ang carnapping group.
Ito’y kaugnay sa homicide case na isinampa pa taong 2011.
Matatandaan na noong Enero 2011 ay nagtungo ang mga miyembro ng Dominguez carnapping group sa showroom ni Venson para tumingin ng sasakyan.
Ilang araw lang ay natuklasan ang sinunog na katawan ng biktima sa Nueva Ecija.
Ayon kay Atty. Oscar Caraan, legal counsel ng Dominguez carnapping group, sila’y maghahain ng motion for reconsideration hinggil sa desisyon ng korte sa kaso.
Naging emosyonal naman ang tatay ni Venson na si VACC president Boy Evangelista sa natamong hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak.
“Ang pangako ko sa’yo, hanggang dulo, lalaban tayo. (I’m) willing to take the bullet just to see you get justice. Anak, mahal na mahal kita,” wika ni Evangelista. (RP)