WebClick Tracer

PBBM: Modernization ng PUVs hindi naging maganda ang implementasyon

Hindi naging maganda ang implementasyon ng modernisasyon sa public utility vehicles (PUVs) kaya inaangalan ng ilang transport groups.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng nakaambang isang linggong tigil-pasada bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program na inilunsad ng nakalipas na administrasyon noong 2017.

Sa ambush interview sa Pangulo sa dinaluhang aktibidad sa Luneta Park, sinabi nitong kailangan talagang gawin ang modernisasyon kaya lang aniya ay iba ang ginawang pamantayan ng mga nagpatupad nito.

“Sa isyu ng modernisasyon ay kailangan ding gawin talaga yan. Ngunit sa pag-aaral ko, parang hindi naging maganda ang implementation nung modernization. Pa-iba iba yung naging standards na kanilang ginawa,” saad ng Pangulo.

Ang kailangan aniyang gawin ay ipatupad ito sa ibang paraan at tingnang mabuti kung paano ilarga ang paggamit ng electric vehicles.

Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na hindi pa puwedeng ipatupad sa ngayon dahil hindi pa kaya ng imprastruktura ang mahigpitang implementasyon ng PUV modernization program.

“Yung modernization siguro we have to look properly at what the real timetable is for the introduction of electric vehicles kung talagang kailan–kung puwede na ngayon. Palagay ko hindi pa puwede ngayon,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na 30 percent pa lamang sa ngayon ang renewable energy sa bansa kaya hindi nito nakikita ang pangangailangan kaagad na ipatupad ang pagpapalit ng units ng public transport sector.

Kailangan pa rin aniyang ayusin ang supply ng renewable energy para matupad ang layunin ng programa na episyente at environmental friendly na mga sasakyan.

Batay sa obserbasyon ng Pangulo gumagamit pa rin ng kuryente ang mga electric vehicles na galing sa coal-fired plant kaya wala rin aniyang nabago at hindi nakatulong sa climate change.

“Kung talagang para sa climate change yan kahit na mag-electric vehicle ka, magcha-charge ka yung kuryente galing din sa coal-fired plant, di ganoon din. Walang magbabago, nilipat mo lang yung polusyon ng kaunti. So that’s an improvement but that doesn’t help climate change,” dagdag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on