Dalawang pulis ang sugatan matapos mauwi sa barilan ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad laban sa isang drug personality sa harap ng isang mall sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatang pulis na sina PSSg Arnel Buemia at PSSg Donald Bulaklak, kapwa operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Quezon PNP.
Ayon sa report ng Lucena PNP, nagsasagawa ang mga ito ng buy-bust operation laban sa drug suspect na si Gerald Diadesma sa harap ng isang mall dakong alas-9 ng gabi subalit bago naaresto ang suspek ay nagbunot ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad.
Tinamaan ang isang operatiba sa dibdib samantalang tinamaan ang isa sa tuhod.
Nagawa pang makaganti ng putok ng mga sugatang pulis subalit nagawang makatakbo ng suspek.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang ibang operatiba at mga tauhan ng Lucena PNP at naaresto rin abg nakabaril na suspek na natuklasang may tama rin ng bala kaya isinugod din ito sa ospital. (Ronilo Dagos)