Habang inaasahan ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte ang pakikipagtulungan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang matulungan ang mga guro sa kanilang mga loan at mga kontrata na may kinalaman sa kanilang inutang, isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na magbabawal sa mga mapang-abusong pangongolekta sa mga utang.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 818 o Fair Debt Collection Practices Act, ipagbabawal sa sino mang maniningil ng utang ang harassment, pang-aapi o pang-aabuso upang makapaningil ng utang.
Kabilang sa mga ipagbabawal ang pagbabanta o paggamit ng karahasan, paggamit ng bastos na wika, pagbabahagi sa pangalan ng mga mangungutang at iba pa.
Ipinagbabawal din sa panukalang batas ang paggamit ng mapanlinlang na pamamaraan upang makasingil ng utang. Kabilang dito ang pananakot o pagbabanta ng pagkabilanggo.
Kabilang din ang pagbabanta ng ligal na hakbang na hindi naman maaaring gawin, pati na rin ang implikasyong may ginawang krimen ang sino mang nangutang.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ituturing na walang bisa ang anumang mapanlinlang na kasunduan. Mapapawalang-bisa rin ang anumang kasunduang may mapanlinlang na representasyon ng karapatan ng mga nangongolekta ng utang at sa mga obligasyon ng nangutang.
“Kailangang wakasan natin ang mga pang-aabusong may kinalaman sa pangongolekta ng utang. Nakakabahala na ang ating mga guro ang lubos na naaapektuhan ng ganitong mga pang-aabuso, kaya naman kailangan nating tiyakin na mabibigyan natin sila ng kaukulang proteksyon at maitataguyod natin ang kanilang kapakanan,” saad ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education. (Dindo Matining)