WebClick Tracer

Jinggoy: Mga ‘dummy’ recruitment agency para sa OFWs nagkalat

Jinggoy

Nagbabala ngayon si Senador Jinggoy Ejercito Estrada laban sa mga umano’y mga dummy na Pilipinong may-ari ng mga placement agencies na nagre-recruit ng land-based overseas Filipino workers (OFWs).

Kaya naman nanawagan ang senador sa mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) na bantayan mabuti ang usaping ito bunsod ng kaso ng pagpaslang sa OFW na si Jullebee Ranara at ang pagbawi ng lisensiya ng kaniyang local recruitment agency.

Sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkoles sa kaso ni Ranara, isiniwalat ni Estrada ang impormasyong nakalap ng kaniyang tanggapan tungkol sa umano’y mga dayuhang nagmamay-ari ng mga placement agency, isang bagay na ipinagbabawal sa mga alituntunin sa pabibigay lisensya at regulasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ng Labor Code of the Philippines.

“Baka masyadong matrabaho para sa komite na ito na ipatawag ang lahat ng incorporator o ang board of directors ng mga recruitment agencies. Siguro pakiusapan na lang natin ang DMW na suriing mabuti ang mga recruitment agency, kung ang mga proprietor ng mga ito ay may financial capability para patakbuhin ang operasyon ng kumpanya,” saad ni Estrada.

Sabi ng senador, common knowledge na sa industriya na ang ilang Pilipino ay pumapayag na maging “dummy” incorporators ng ilang recruitment o placement agencies na nagpapadala ng OFWs sa ibang bansa.

Nakakabahala aniya ito lalo na’t ilan sa mga sinasabing foreign-owned recruitment agencies ay may pananagutan sa deployment ng mga distressed OFWs gaya ng kaso ni Ranara na naging paksa ng kaniyang privilege speech noong Enero 24.

Sa ilalim ng Labor Code, tanging mga Pilipino bilang sole proprietors lamang ang pinapayagang mabigyan ng lisensya para makapag-operate ng placement agencies na may minimum capitalization na P5 million.

Sinabi ng mga opisyal ng DMW sa mga senador na kapag binawi o nakansela ang lisensya ng mga recruitment agency dahil sa iba’t ibang paglabag, lahat ng mga opisyal nito, board of directors at incorporators ay inilalagay sa derogatory list at hindi na kwalipikadong lumahok o magsagawa ng anumang recruitment activities. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on