WebClick Tracer

Villanueva: Bilateral labor agreement ng Pilipinas, Kuwait repasuhin

Isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magkaroon ng komprehensibong pagsuri sa bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa gitna na tumataas na kaso ng pag-abuso sa overseas Filipino workers (OFWs).

Ginawa ni Villanueva ang hakbang sa gitna nang panibagong kaso ng pag-abuso sa OFW sa Kuwait kasunod na pagkamatay ni Jullebee Ranara, 35, noong Enero 21.

Sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Enero 21 din nang tumalon ang OFW na si Myla Balbag mula sa ikatlong palapag ng isang gusali sa Hateen para takasan ang kaniyang malupit na amo.

“After these two unfortunate incidents, we need to carefully study if the policies are fair and being followed and clearly set the parameters on when to impose a ban and when to lift,” sabi ni Villanueva.

Para sa karagdang kaligtasan ng mga OFW, inihain ni Villanueva ang Senate Resolution No. 456 na humikayat sa kagawarang ehekutibo na pagtibayin ang International Labor Organization (ILO) Convention No. 190 para maalis ang karahasan sa lugar ng trabaho.

Ang ILO Convention No. 190 o Violence and Harassment Convention ay naghahangad na protektahan ang mga manggagawa at iba pang tao sa mundo mula sa karahasan at harassment na nangyayari sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Kaakibat nito ang rekomendasyon na magbibigay ng gabay sa pagpapatupad ng nasabing kapulungan.

Sabi pa ni Villanueva, ang ratipikasyon ng Pilipinas sa ILO Convention ay magbibigay ng motibasyon na sasalamin sa mga prinsipyo ng labor standards at maaring makapagbigay sa bansa ng opsyon para maiangat ang kaso ng pagpatay sa mga OFW sa ILO Supervisory Bodies.

“The brutal killing of Ranara happened even amid an existing Memorandum of Understanding between the Philippines and Kuwait on the kafala system, which lays down the obligations in the treatment and protection of foreign workers,” ayon sa majority leader.

Nitong 2022, may 5,564 OFW welfare cases ang naitala sa Kuwait kung saan 2,529 ay contract violation cases at 978 ng mga kaso ay pag-abuso at karahasan. Makikita rin sa datos ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) na tumaas ang welfare cases ng OFWs mula noong 2016 sa naitalang 5,273 mga kaso.

“Let’s give our OFWs reassurance that their government is doing their best to make sure that they are protected and that their rights are not violated,” saad ni Villanueva.

“This is living up to our obligations to our ‘heroes’ who have braved foreign worlds and transformed the economic landscape of our country for want of better lives for their families,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on