Isang technical working group ang binuo ng House Committee on Poverty Alleviation upang plantsahin ang panukala na bigyan ng 20% diskwento ang mga mahihirap na naghahanap ng trabaho sa pagkuha ng certificate at clearance sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Inatasan ng chairperson ng komite na si 1-Pacman party-list Rep. Michael Romero si Pampanga Rep. Ana York Bondoc na pamunuan ang TWG.
Ang TWG ay inatasan na pag-isahin ang House Bill numbers 367, 2533, 3048, 3533, 3604, 4762, 4828, 5553, at 5792 na ang intensyon ay tulungan ang mga mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Hiniling din ni Romero sa mga ahensya ng gobyerno na magsumite ng datos kung magkano ang kanilang sinisingil sa mga kumukuha ng certificate at clearance at kung magkano ang mawawalang kita sa kanilang ahensya kapag naisabatas ang panukala.
Nagpahayag naman ng pagpabor sa pagtulong sa mga mahihirap na aplikante ang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Justice, at Department of Migrant Workers. (Billy Begas)