WebClick Tracer

Marcos, biyaheng Japan na

Bibiyahe ngayong Miyerkules si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa limang araw na state visit sa Japan.

Kasama ng Pangulo si First Lady Liza Araneta at ilang miyembro ng kanyang gabinete gayundin ang mga grupo ng negosyante.

Ang pagbisita ng Pangulo sa Japan ay bilang tugon sa imbitasyon sa kanya ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida noong September 2022 matapos magkita sa United Nations General Assembly (UNGA) sa New York, USA.

Sa nakatakdang state visit ay inaasahang pitong mga kasunduan ang malalagdaan bukod pa sa business deals na posibleng maselyuhan para sa dagdag na pamumuhunan sa bansa.

Magkakaroon din ng pagkakataon si Marcos Jr. na makaharap sina Emperor Naruhito at Empress Masako habang hiwalay na pulong naman ang nakatakda kay Prime Minister Kishida.

Marami ring nakalinyang pakikipagpulong si Marcos Jr. sa malalaking negosyante sa Japan para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa Pilipinas.

Nakatakda ring makipagkita ang Presidente sa Filipino community sa huling araw ng kanyang state visit bago bumalik sa bansa. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on