Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte at tatlo pang mambabatas ang panukala para sa pagtatayo ng mga specialty hospital sa iba’t ibang rehiyon.
Sa House Bill 6857, sinabi nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano na maraming pasyente ang gumagastos ng malaki sa pamasahe at akomodasyon sa pagpunta sa Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Cancer Center na pawang matatagpuan sa Metro Manila.
Layunin umano ng panukala na ilapit ang serbisyo ng mga specialty hospital na ito sa publiko.
Sa ilalim ng panukalang Regional Specialty Hospitals Act (HB 6857) dapat ay nakapagtayo na ng kahit na isang specialty hospital sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Northern Mindanao, at Southern Mindanao tatlong taon matapos itong maisabatas.
Ang Department of Health ang inatasan na magsagawa ng pag-aaral upang malaman ang uri ng specialty hospital na dapat unahing itayo sa partikular na lugar. (Billy Begas)