Hindi nawawalan ng pag-asa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bababa rin ang inflation sa kabila nang naitalang 8.7 percent nitong unang buwan ng 2023.
Sinabi ng Pangulo na pababa na ang presyo ng langis at imported na produktong agrikultura kaya umaasa siyang makikita ang epekto nito sa ikalawang quarter ng taon.
Gumawa na aniya ng mga hakbang ang gobyerno upang madagdagan ang supply na inaasahang magpapababa sa presyo ng mga bilihin.
“As I said, the importation of many of the agricultural products, which have been a large part of the inflation rate… we have already taken some measures so that the supply will be greater and so that will bring the prices down but that will take a little time. And my continuing estimate or forecast is that by – we can see the lowering of inflation by the second quarter of this year,” anang Pangulo.
Batay sa January 2023 World Economic Outlook Update ng International Monetary Fund (IMF), ang inflation ay pandaigdigang problema na magiging malaking hamon sa mga bansa sa mundo bunsod ng patuloy na giyera sa Russia at Ukraine at ang muling paglutang ng COVID-19 sa China.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ang 8.7 percent inflation nitong January 2023, mas mataas sa naitalang 8.1 percent noong December 2022 dahil sa pagtaas ng mga renta sa bahay, kuryente at singil sa tubig, mataas na presyo ng mga gulay, gatas, itlog, prutas at iba pa. (Aileen Taliping)