WebClick Tracer

DENR pinatigil operasyon ng APMC sa Sibuyan Island

Iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paghinto sa operasyon ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island, Romblon dahil sa ilang diumano’y paglabag.

Ayon sa inilabas na joint order ng DENR-MIMAROPA Region, binanggit nito ang pagpapahinto sa mga aktibidad ng APMC tulad ng construction at operation ng causeway sa bayan ng San Fernando “as a precautionary measure against potential irreparable damage to the government.”

Napag-alamang gumagawa ang APMC ng causeway nang walang aprubadong lease agreement at environmental compliance certificate.

Sinuspinde rin ng DENR ang ore transport permit na inisyu sa APMC at inutusan ang mining firm na ihinto ang pagdadala ng nickel ore mula sa contract site patungo sa causeway.

Ang aplikasyon ng kompanya para sa miscellaneous lease agreement ay binasura rin dahil sa paglabag sa Public Land Act.

Inatasan din ang Provincial Environment and Natural Resources ng Romblon na magsagawa ng imbestigasyon sa mga potensyal na nasirang seagrass at yamang dagat, at maghain ng naaangkop na mga legal na aksyon, kung kinakailangan, sa iniulat na pagputol ng mga puno nang walang permit.

Inanunsyo ng APMC nitong Lunes na ititigil na nito ang mga exploration at testing activity sa Sibuyan Island.

Idinagdag nito na makikipagtulungan sila at makikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matugunan ang mga isyu sa kanilang operasyon sa nasabing isla. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on