Giniit ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na mahalaga ang pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga kabataan lalo na sa mga nahihilig sa TikTok, para matutunan na depensahan ang ating bansa.
“Iyong ating kabataan, instead na magsige reklamo, magsige TikTok-TikTok lang diyan, dapat ihanda natin ang ating kabataan para gampanan ‘yung kanilang constitutional duty na depensahan ang ating bayan sa panahon ng pangangailangan,” lahad ni Dela Rosa sa panayam ng TeleRadyo nitong Sabado.
Isinusulong ni Dela Rosa ang mandatory ROTC na inalmahan ng iba’t ibang grupo dahil sa pangamba sa banta na maaaring maidulot umano nito.
Bukod sa pagdepensa sa ating bansa, matututunan din umano sa ROTC program ang disiplina, pagmamahal sa bayan, respeto sa human rights, Saligang Batas, at iba, ayon sa senador.
“Alam natin may looming threat tayo dito sa South China Sea, ‘yung pag-occupy ng China diyan sa ating mga teritoryo diyan sa South China Sea. Kailangan ready tayo, dahan-dahan na silang umaabante dito. ‘Yung harapan ng Palawan natin, nakikita na ‘yung mga presensiya nila diyan,” sabi ni Dela Rosa.
“National defense is the strength of the country. If you have a weak national defense then you have a weak country… Puwede kang bully-bully-hin lang ng mga kapitbahay mo because mahina ka, mahina ka na bansa. So kailangan talaga natin, strengthen ‘yung ating national defense capability,” dagdag ni Dela Rosa na dating hepe ng pambansang kapulisan. (Gel Manalo)