Inihayag ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) nitong Huwebes na nakagawa na sila ng plano upang matugunan ang umano’y mga pagbebenta ng mga pekeng produkto sa Greenhills Shopping Center.
Ito’y matapos muling mapasama sa listahan ng United States Trade Representative ang Greenhills Shopping Center sa mga kilalang-kilalang pamilihan ng mga peke at piratang produkto o ang “2022 Notorious Markets for Counterfeiting and Piracy”.
Nasa listahan ang 39 online at 33 physical store na iniulat na kasangkot o nagiging daan sa pamemeke o copyright piracy sa mundo, kabilang na ang Greenhills sa San Juan.
Noong Abril 2022 nagkasa na ng pagsalakay ang National Bureau of Investigation sa naturang mall, kung saan umabot sa $1.4 million ang mga nakumpiskang pekeng produkto.
Sinabi ng IPOPHL na ang iminungkahing plano nito upang matugunan ang pamemeke sa nasabing mall ay kasalukuyang sinusuri ng mga miyembro ng National Committee on Intellectual Property Rights. (IS)