PBBM pinabibigyan ng werpa vs PhilHealth contribution hike
Itinulak ng mga kongresista sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin ang pagtataas sa premium contribution ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon kay Romualdez ang House Bill 6772 ay magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na ipagpaliban ang pagtataas sa PhilHealth contribution kung hindi ito angkop na ituloy.
Aamyendahan ng panukala ang Universal Health Care Act (Republic Act 11223).
Sa ilalim ng RA 11223, ang premium contribution ay tataas sa 4.5% ngayong taon mula sa 4%. Sa susunod na taon ay magiging 5% ito.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtataas ng kontribusyon ngayong taon. Upang maging malinaw ang kapangyarihang ito, nais ng mga lider ng Kamara na ito ay isabatas.
Ayon kay Romualdez ang P50 na matitipid kada buwan o P600 kada taon ay malaking tulong sa mga maliliit na manggagawa.
Sa ilalim ng panukala, maaaring suspendihin ng Pangulo ng bansa, sa rekomendasyon ng board ng PhilHealth ang pagpapatupad ng mas mataas na premyo sa panahon ng emergency o kalamidad o kung kinakailangan alang-alang sa interes ng publiko.
Kasama bilang may-akda ng panukala sina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at Tingog party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. (Billy Begas)