Mahigit 18K Pinoy nurse nag-exam para makapagtrabaho sa US
Sa gitna ng pangamba na magkaroon ng kakulangan ng nurse sa bansa, 18,617 Filipino nurse ang kumuha ng pagsusulit noong 2022 para makapagtrabaho sa Estados Unidos.
Ang bilang na ito na kumuha ng US-National Council Licensure Examination (NCLEX) ang pinakamataas sa nakalipas na 14 na taon, ayon kay House Committee on Higher and Technical Education vice chairperson at Quezon City Rep. Marvin Rillo.
Ang naitalang 18,617 ay mas mataas ng 90% kumpara sa 9,788 Filipino nursing graduate na kumuha ng NCLEX noong 2021, ayon kay Rillo.
“The number of Philippine nursing graduates taking the NCLEX for the first time is a reliable indicator as to how many of them are eagerly looking for employment in America,” sabi ng solon.
Nanawagan si Rillo sa Kongreso na aprubahan ang kanyang panukala na magpapataas sa sahod ng mga nurse sa bansa upang mahimok ang mga ito na huwag umalis.
Sa House Bill 5276, ang kasalukuyang P36,619 pinakamababang sahod ng nurse sa mga pampublikong ospital ay itataas sa P63,997.
Bukod sa mga Pilipino, mayroong 4,318 nursing graduates mula sa India at 1,816 mula sa South Korea ang kumuha ng NCLEX noong nakaraang taon. (Billy Begas)