WebClick Tracer

Database ng mga ‘yakman’ tinutulak ni Jinggoy

Database ng mga ‘yakman’ tinutulak ni Jinggoy

Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang isang panukala na naglalayong magtatag ng isang pambansang database ng mga sex offender na pagkukunan ng impormasyon ng mga lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas maging ang kanilang foreign counterparts.

“Maraming special penal laws laban sa mga sex-related offenses nitong mga nakaraang taon ngunit mawawalan ito ng saysay kung walang sapat na ibinibigay na proteksyon at pagbabala sa publiko,” paliwanag ni Estrada kanyang Senate Bill No. 1291 o ang panukalang “National Sex Offender Registry Act.”

Ayon sa senador, nakakalungkot na mayroong mga sex offenders na nahuli at nahatulan na ng pagkakakulong ay nagagawa pa rin na makapambiktima sa pamamagitan ng paglipat sa ibang lugar.

Sabi ni Estrada, layunin ng kanyang panukala na magtatag ng pambansang sex offender registration database na maaaring magamit hindi lamang ng publiko kundi maging ang iba’t ibang non-government organization na nagsusulong na maproteksyunan ang mga kababaihan at mga bata na kadalasang nagiging target na biktima ng mga ganitong klaseng kriminal.

Sa ipinapanukalang National Sex Offender Registry Database, ang Department of Justice ang magtatatag at mangangasiwa nito at maglalaman ito ng mga pangalan at iba pang mahalagang detalye patungkol sa mga sex offender na naninirahan o naglalakbay sa bansa.

Ito ay maaaring magamit ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas. Maaari rin itong ibahagi ng mga nasabing ahensya sa kanilang counterparts sa ibang bansa kung kinakailangan.

Bago makalaya mula sa pagkakakulong ang mga nahatulang sex offender, sinabi sa panukala na kailangan muna nilang magparehistro at regular na mag-update sa probinsya, lungsod o munisipalidad na kanilang kinabibilangan o kung saan sila naninirahan, nagtatrabaho o nag-aaral.

Kung may pagbabago sa mga nasabing impormasyon, binibigyan sila ng 10 araw para mai-update ito at kung bigo nilang gawin ito ay mapapatawan sila ng isa hanggang limang taon na pagkakakulong at multa na P10,000.

Ang mga nahatulan ng mga lokal maging ng korte sa ibang bansa ay habambuhay na nakarehistro at kinakailangang humarap kahit isang beses isang taon sa harap ng lokal na pulisya sa kanilang lugar o tirahan upang personal na patotohanan ang kanilang idineklarang impormasyon. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on