Bea Alonzo, tumigil na sa paghahanap sa tunay na ama
Ipinaliwanag ni Bea Alonzo ang dahilan kung bakit tumigil na siyang hanapin ang kanyang tunay na ama, na isang British national.
Sa “Fast Talk With Boy Abunda”, tinanong si Bea tungkol sa naging pahayag niya kamakailan na hindi na niya kailangang kilalanin ang kanyang biological father.
Kuwento ni Bea kay Abunda, noong 2010 daw ay parang nainggit siya kay Angelica Panganiban nang makilala nito ang ama kaya sinubukan niyang hanapin din ang kanyang tunay na tatay ngunit nabigo siya.
May pagkakataon pa raw na nilasing niya ang kanyang ina para makakuha ng impormasyon tungkol sa kanyang ama.
“Nagulat ako dun sa naging resulta kasi talagang umiyak talaga [si mama], nakita ko ‘yung I don’t know kung trauma from that relationship, na parang I felt so guilty. Parang nagkaroon ako ng epiphany na noong nag-reflect ako, sabi ko, ‘Alam mo, hindi ko naman kailangan ng tatay, kasi buo naman ako’,” ani Bea.
“Kung ano ‘yung binigay sa akin ng nanay ko sobra-sobra pa sa binigay ng dalawang parents,” dagdag niya.
Kaya hindi na raw niya hinanap ang kanyang ama para hindi na masaktan ang kanyang mudra.
“She’s been through enough,” sey ng aktres. (IS)