WebClick Tracer

Police sergeant hinalay sariling anak

Arestado ang isang aktibong pulis matapos itong ireklamo ng panghahalay sa kanyang 3 taong gulang na anak na batang babae at makuha din sa pag-iingat nito ang illegal na droga sa Cabuyao City, Laguna.

Nabisto ang pangyayari matapos sabihin ng bata sa kanyang tagapag-alagang tiya ang ginawa ng kanyang tatay sa kanya ng nililinisan ito ng tiya para matulog noong Martes ng gabi.

Agad ang mga itong nagtungo sa himpilan ng pulisya at nagharap ng reklamo laban sa 45-anyos na suspek na isang police senior master sergeant na nakatalaga sa Police Regional Office ng Calabarzon (PRO 4A).

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cabuyao police na nangyari ang panghahalay noong Lunes ng gabi sa kanilang tahanan sa Cabuyao City.

Sa police station muling ikinuwento ng bata ang pangyayari. Kaya agad ding nagsagawa ng operasyon ang Cabuyao police at naaresto ang suspek sa kanilang bahay.

Sa pagsisiyasat sa suspek, nakuha sa sling bag nito ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman na naiwan sa kustodiya ng suspek ang biktima matapos na sumakabilang buhay ang nanay nito.

Ayon kay PCOL Jack Angog,  hepe ng Cabuyao City police, batay sa pagsusuri ng doktor sa biktima, natuklasang may laceration sa maselang bahagi nito.

Sinampahan na nitong Miyerkules ng mga kasong Violation of RA 8353 (Anti Rape Law) in relation to RA 7610 and Violation of RA 9165 (Anti-Illegal Drugs Law).

Nakakulong ito ngayon sa Cabuyao City locked up cell at walang piyansang inerekomenda ang korte. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on