WebClick Tracer

66 baby pawikan pinakawalan sa Quezon

Nasa 66 na mga baby pawikan ang pinakawalan ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga miyembro ng Bantay Dagat sa baybayin ng Barangay Bignay 2, Sariaya, Quezon nitong Miyerkoles.

Ayon sa DENR Quezon, mga olive ridley ang mga pinakawalang pawikan na inalagaan ng mga bantay dagat sa kanilang itinayong hatchery sa nasabing barangay.

Ang mga baybaying dagat ng pitong coastal barangay ng Sariaya ang isa sa nagsisilbing pangitlugan ng mga pawikan sa Tayabas Bay area sa Quezon at Batangas.

Ayon kay Sherwin Rosales, isang miyembro ng bantay dagat, nasa 2,000 mga itlog ng pawikan ang kanilang nakikita sa iba’t ibang mga lugar sa baybayin kada taon at kanilang inililipat sa hatchery para maproteksyunan.

At matapos mapisa ay aalagan muna ito ng 45 hanggang 60 araw bago pakawalan sa karagatan.

Ayon pa dito, tinatayang nasa 10 mga pawikan ang nangingitlog sa mga buhanginan doon mula buwan ng Oktubre hanggang Pebrero.

May 1,000 mga baby pawikan pa ang kasalukuyang nasa kanilang hatchery at inihahanda na rin para pakawalan. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on