WebClick Tracer

Kadiwa outlets tuloy-tuloy ngayong taon

Magtutuloy-tuloy umano ang operasyon ng mga Kadiwa outlet ngayong taon, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa briefing ng House Committee on Agriculture and Food, nagtanong si Marikina City Rep. Stella Quimbo kaugnay ng estado ng Kadiwa program sa gitna ng mga balita na nag-expire ang ilan sa mga memorandum of agreement kaugnay nito.

Ayon kay DA Chief Administrative Officer Junibert de Sagun walang Kadiwa outlet na pinatigil ang operasyon.

“Yung mga ongoing regular Kadiwas po ay still ongoing pa rin po naman siya, wala naman po tayong pinapatigil. Subject to schedule po yung Kadiwa natin,” sabi ni De Sagun.

Ipinaliwanag ni De Sagun na hindi bumibili ang DA ng mga ibinebenta sa Kadiwa market kundi nagsisilbi lamang itong marketing linkage sa tulong ng ibang ahensya.

“So in short mukhang mayroon naman kayong sapat na budget para sa taong 2023 para mapagpatuloy ang Kadiwa?” dagdag pa ni Quimbo.

Sagot naman ni De Sagun, “Yes po your honor kasi minimal subsidy lang naman po ang ginagawa… Physically, marketing linkages lang yung ating ginagawa.”

Mas mura ang tinda sa Kadiwa outlet kumpara sa mga regular na palengke. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on