WebClick Tracer

Cop killer na 10 taong nagtago, nakorner sa Guimaras

Makaraaan ang 10 taong pagtatago, natimbog ng mga awtoridad ang tinaguriang most wanted person na pinaghahanap ng batas dahil sa kasong pagpatay sa isang pulis sa Batangas.

Ayon sa report ng Batangas police provincial office, naaresto ng mga tauhan ng Tanauan City Police Station, Anini-y Municipal Police Station ng Antique Police Provincial Office at Jordan Municipal Police Station ng Guimaras Police Provincial Office ang suspek na si Cesar Andal , 61 anyos, tubong Tanauan City, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. East Valencia, Buenavista, Guimaras.

Natimbog ito sa kanyang pinagtaguan at pinanirahang lugar nitong Lunes ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na inihain ng mga awtoridad.

Si Andal, na noon ay 51 anyos lamang ang pangunahing suspek sa pagpatay sa pulis na si SPO2 Herminigildo Mercado na pinagbabaril sa Brgy. Balele, Tanauan City noong March 19, 1993.

Simula noon ay nagtago na ito samantalang naglaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG ng pabuyang P60,000.00 sa ikadarakip nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Tanauan City Police Station ang naarestong most wanted person.

Ayon kay Batangas Police Director PCOL Pedro Soliba, “Pinupuri natin ang kapulisan sa pagkakaaresto sa suspek. Tandaan natin na ang sinumang nagkasala ay mananagot sa batas. Patuloy naming hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad kung may impormasyon kayo hinggil sa ikalulutas ng mga kaso at ikakaaresto ng mga taong sangkot sa krimen.”

TELETABLOID

Follow Abante News on