WebClick Tracer

Pagbura sa interes, multa sa utang na hindi nabayaran ng magsasaka, mangingisda umusad

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na bubura sa hindi nabayarang interes, multa, at iba pang dagdag na singil sa utang na hindi nabayaran sa oras ng mga magsasaka, mangingisda, at benepisyaryo ng agrarian reform.

Ang panukalang Agrarian and Agricultural Loan Restructuring and Condonation Act (House Bill 5702) ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo ngayong Martes.

Saklaw ng panukala ang mga pautang ng Department of Agrarian Reforms (DAR), Department of Agriculture (DA), People’s Credit and Finance Corp. (PCFC), Cooperative Development Authority, National Food Authority (NFA), at Quedan and Rural Credit Guarantee Corp. (Quedancor).

Ang one-time condonation at restructuring ng utang ay para sa mga magsasaka na nasalanta ng kalamidad at hindi para sa mga magsasaka na sinadya o walang balak na magbayad ng utang.

Ang mga makakakuha ng condonation at restructuring ay ang mga magsasaka, mangingisda, o agrarian reform beneficiary na nakapagbayad ng hindi bababa sa 2% ng kanilang utang sa panahon ng aplikasyon.

Ang restructuring ng utang o pagbabago sa termino ng bayarin at depende sa kakayanan makabayad ng nangutang. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on