Naghain ng resolusyon ang isang kongresista upang iparepaso ang operasyon ng National Power Corporation Small Power Utility Group (NPC-SPUG) sa gitna ng anunsyo nito na simula sa Pebrero 1 ay babawasan ang isinusuplay nitong kuryente.
Sa House Resolution 708, sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang anunsyo ng NPC-SPUG ay ginawa ilang buwan matapos ang power crisis na nakaapekto sa Mindanao at Luzon ilang buwan na ang nakakaraan.
Ayon kay Hataman, ang kakulangan ng magagamit na petrolyo at delay sa pagbabayad ng subsidy para sa Universal Cost for Missionary Electrification (UCME) ang ibinigay na dahilan ng NPC-SPUG sa kanilang pagbabawas ng suplay ng kuryente.
Sinabi ni Hataman na ang kakulangan ng magagamit na petrolyo ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng diesel na umabot sa P80 kada litro noong nakaraang taon sanhi ng gera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Power outages in small island-provinces such as Basilan continue to become more and more frequent, heavily affecting not only the day-to-day lives of ordinary citizens, but the operations of local government in providing basic services to the people, as well as the operation of small businesses and livelihood centers,” sabi ni Hataman.
Sa HR 708 ay hiniling ni Hataman na irepaso ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) partikular ang NPC-SPUG upang mapigilan ang nagbabadyang brownout sa mga isolated small island grids gaya ng Basilan, Sulu at maging Palawan. (Billy Begas)