WebClick Tracer

Hontiveros ikinatuwa desisyon ng SC vs Lazada

Ikinatuwa ni Senadora Risa Hontiveros ang desisyon ng Supreme Court (SC) na pumabor sa na-dismiss na riders ng Lazada E-Services Philippines, Inc., at sinabing isa lang ito sa marami pang tagumpay sa mga tinatawag na ‘gig economy worker’.

“Tagumpay at inspirasyon para sa lahat ng delivery riders ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang empleyado ng Lazada ang limang delivery rider nito,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

“Because of this decision, it is clear that our courts place a great value on the promotion of social justice and the defense of the rights of workers,” dagdag pa niya.

Una rito, pinaboran ng Korte Suprema ang limang riders na Lazada at sinabing iligal ang pagtanggal sa kanila sa kumpanya.

Kinontra ng SC ang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) at ng Court of Appeals na nauna nang nagsabing walang employer-employee relationship na namamagitan sa pagitan ng mga rider at ng Lazada.

“Sa wakas ay mabibigyan ng matibay na batayan at patunay na ang mga delivery riders at mga nasa gig economy ay mga empleyado at hindi lamang independent contractor,” ani Hontiveros.

“Nagbubunga ang pagsisikap nating ipaglaban ang ating karapatan at seguridad sa trabaho. Our efforts are never wasted,” sambit pa niya.

Dahil dito, umaasa ang senadora na mapapabilis na maisabatas ang kanyang panukalang “Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera (POWERR) Act” kaakibat ang mga mahahalagang desisyon ng Korte Suprema na siyang magbibigay ng gabay para sa kasiguraduhan sa trabaho, pagkakaroon ng mga benepisyo tulad ng SSS, PAGIBIG, maternity leave, insurance at iba pang natatamasa ng isang empleyado, transparency sa mga online platforms at mga kontrata.

“This is just the first of many future victories for the gig economy workers. Positibo rin akong mas lalakas pa ang pwersa ng ating mga kasamang delivery riders at gaya ng limang nagtagumpay sa kanilang laban, ay makakamit nila ang mga benepisyong nararapat sa kanila,” diin pa ni Hontiveros. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on