WebClick Tracer

Gatchalian: Maharlika Fund hindi iraratsada sa Senado

Senado

Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na hihimaying mabuti ng Senado ang panukalang Maharlika Investment Fund na nauna nang naipasa sa Kamara noong Disyembre.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate ways and means committee, isa umano sa inaasahang pagdedebatehang mabuti ang usapin kung saan kukunin ang pondo para dito.

“May mga issues na dapat pag-usapan na mabuti. Unang-una, yung pondo saan kukunin, hanggang ngayon debate pa rin yan. Nakita ko ang mga argumento ng iba’t ibang mambabatas natin, marami nagsasabi na kung kukunin sa GOCC ay hindi na yan mapupunta sa General Fund,” sabi ni Gatchalian.

“Kapag hindi napunta sa general funding o sa GAA, sa general appropriations, hindi na natin magagastos yan sa pagpapagawa ng eskuwelahan, pagpapagawa ng kalsada, pagbibili ng medisina. So may ganung anggulo na tama dahil kapag kukunin mo yan sa GOCC, hindi na, mababawasan yan sa General Appropriations,” dagdag pa niya.

Sakaling makalikom ng pondo para sa sovereign wealth fund, sinabi ni Gatchalian na dapat tingnan sapat ba iyon para kumita ang pamahalaan.

“Assuming makakalikom tayo ng pondo, eh sapat ba yan para kumita dahil sa mga ganitong sovereign wealth fund. Sa mga nakikita ko, dapat malaki, meron kang size, ibig sabihin dapat millions in dollars ang pondo na ilalagay mo para merong return na substantial,” ani Gatchalian.

“Kasi gagawa ka let’s say ng 10, let’s say meron kang fund manager, meron kang board na nagmamanage ng fund, kung ang investment mo ay $1 billion at ang investment mo $100 dollars, parehong tao lang yun. Parehong tao, parehong investment manager, parehong gastos. So ang ibig kong sabihin mas malaking pondo, mas malaking kita ang pwedeng makita ng investment fund,” paliwanag pa niya.

Nauna nang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na naghain na ni Senador Mark Villar ang Maharlika Investment Fund (MIF).

“I hope that he calls in the soonest possible time, magtawag na po siya ng committee hearing para mapag-diskusyon na po natin ito ng mga miyembro ng Senado,” sabi ni Zubiri sa panayam sa DWIZ.

Sabi pa ni Zubiri, target nilang maipasa ang panukala bago mag-Holy Week. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on