Plano ng Senate blue ribbon committee na ilabas na sa Martes o Miyerkules ang committee report ng kanilang imbestigasyon sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
“May committee report na, may recommendations na kami, paiikutin na namin ito this week. Target namin Tuesday latest Wednesday,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate ways and means committee.
Bago ito, magsasagawa pa ng isang pagdinig ang komite kung saan inaasahang tatalakayin ang isyu sa tax payments, governance at ang income tax na binabayaran ng mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO.
“Nung nirereview namin ang Committee Report at binangga namin sa batas, marami kaming nakitang mga katanungan at ito ay particularly sa third party auditor at gusto namin marinig sa PAGCOR at sa third party auditor at sa iba pang mga resource persons natin yung mga issues patungkol dito,” sabi ni Gatchalian.
“Pangalawa, meron din kaming nakita sa batas na dapat mapag-usapan. Ito ang income tax na binabayaran ng mga nagtatrabaho, foreigner na nagtatrabaho sa POGO,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na posibleng irekomenda na ng komite ang total ban para sa operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Kamakailan sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang problema sa industriya ng POGO ay iyong mga iligal at hindi ang mga legal na nagsasagawa ng operasyon sa bansa.
Sinabi naman ni Gatchalian, na bibigyan nila ng magandang dahilan ang Pangulo kung bakit dapat i-ban na ang POGO sa Pilipinas.
“Tama. May mga dahilan ho kami na talagang hindi lang base sa naririnig kundi may mga ebidensya. At siguro isa sa pinakamalakas ang boses pagdating dito sa POGO ay ang DOF, ang Department of Finance. Nung una pa man, nung first hearing namin, talagang napakadeterminado na iban ang POGO dahil nakikita nila may epekto ito sa investments natin,” saad ng senador.
Matatandaan na mismong ang Department of Finance (DOF) at ang National Economic Development Authority (NEDA) na ang nasabing dapat nang itigl ang operasyon ng POGO dahil sa masamang dulot nito sa bansa.
“Oo. Una pa lang, maaga pa lang, actually first hearing pa lang ang DOF very firm na dapat iban ang POGO. So tinignan din namin ang kanilang arguments dahil hindi lamang naman namin kinuha yung kanilang opinyon kundi tinignan din namin ang arguments nila at ineksamin din namin ang kanilang arguments,” ayon pa kay Gatchalian. (Dindo Matining)