WebClick Tracer

Jennica Garcia binalak mag-OFW

Mangiyak-ngiyak na ikinuwento ni Jennica Garcia na dahil sa kawalan ng trabaho ay naisipan na niyang mangibang-bansa at mag-OFW.

Sa isang grand mediacon para sa Kapamilya TV revenge series na “Dirty Linen”, inamin ni Jennica na ang pag-aartista lang ang alam niyang trabaho ngunit wala raw dumadating na project sa kanya.

“Iniisip ko na rin po nun na okay lang kapag hindi ako mabigyan. Mag-o-OFW na lang po ako. Ito lang ang alam ko na trabaho eh, ang pag-aartista. Ang isa ko na lang pong naiisip ay mag-ibang bansa,” aniya.

Naisip daw niya ang advice ng kanyang inang si Jean Garcia na kausapin ang ABS-CBN.

Kinapalan na lang daw ni Jennica ang mukha niya at kinausap sa pamamagitan ng Viber ang Dreamscape Entertainment executive na si Deo Endrinal na kaibigan ng kanyang mama.

“Wala po akong kilala sa ABS. Hindi ko po makalimutan ‘yung sinabi sa akin ni mama dati, matagal na ‘yun. Sabi niya, ‘Anak, just in case na maisip mo na gusto mo with ABS-CBN, gusto ko alam mo na Sir Deo is a very trusted friend of mine. You can go to him.’

“Nu’ng time po na ‘yun naisip ko, sige ito na kakapalan ko na ‘yung mukha ko. Alam ko na they didn’t think of me when our writers were making Lala into the character that she is today,” sey ni Jennica.

Si Lala Millado ang role ni Jennica sa “Dirty Linen”. Inamin ni Jennica na hindi siya mismong pinili ng network para sa naturang role hindi katulad ng ibang kasama niya.

Kaya pinaghusayan daw niya talaga ang pagganap bilang Lala.

“Pinag-igihan ko po talaga kasi para sa akin ang dami kong kailangang patunayan at ayoko mapahiya si Sir Deo,” sey ni Jennica.

“Ang goal ko, ang maiisip ng mga boss ko, ‘Tama, dapat siya nga si Lala’,” dagdag niya.

Mapapanood ang “Dirty Linen” nitong January 23 na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez, Zanjoe Marudo, Seth Fedelin at Francine Diaz. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on