Agad umanong aaprubahan ng Kamara de Representantes ang mga panukala kaugnay ng digitalization na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa World Economic Forum (WEF) na magiging sangkap sa pag-unlad ng bansa.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama sa prayoridad ang pagpasa ng panukalang E-Government at E-Governance Act na magpapabilis sa pakikipagtransaksyon ng gobyerno.
“The House of Representatives remains committed to pass the priority legislations of President Marcos, including measures for digitalization in both government and private transactions that would bolster efficiency, productivity, and security,” sabi ni Romualdez na bahagi ng opisyal na delegasyon ni Marcos sa WEF.
Ayon pa kay Romualdez, ang digital transformation ng bansa ay makatutulong upang makahikayat ng dagdag na mamumuhunan sa bansa na magpaparami ng mapapasukang trabaho.
Sa kaniyang opening remark sa Country Strategy Dialogue sa WEF noong Martes, sinabi ni Marcos na ang digitalization ay isang key driver para sa pag-unlad ng bansa matapos ang pandemya. (Billy Begas)