WebClick Tracer

Mga Pinoy ginagawang scammer ng cryptocurrency sa Cambodia – Hontiveros

Ibinunyag ni Senadora Risa Hontiveros nitong Miyerkules ng isa na namang bagong hub ng human trafficking operations na namumwersa sa mga Pilipino na maging scammer ng cryptocurrency.

Sabi ng senadora, ang mga Pinoy ay ginagawa ring forced laborer ng isang Chinese mafia sa Cambodia.

Ginawa ni Hontiveros ang pagbubunyag ilang buwan matapos ilantad ng senador ang mga sindikatong Chinese na itinatraffic rin ang mga Pilipino sa Myanmar upang lokohin ang mga dayuhan na maglagay ng pera sa mga pekeng crypto account.

“Ang mga Pilipino ay nagiging pangunahing target ng mga sindikato ng human trafficking. Matapos nating matulungan ang ilang Pinoy sa Myanmar na inaabuso at sapilitang pinagtrabaho bilang crypto scammer, ngayon, malalaman nating meron din palang ganitong modus sa Cambodia. Ang mga pabrika ng pandaraya na ito ay bahagi ng isang nakakagambalang industriya na kailangang lansagin,” sabi ni Hontiveros.

Nakausap kamakailan ng tanggapan ng senadora si “Miles”, isa sa mga Pinoy na na-traffic sa Cambodia, na ngayon ay nakabalik na sa Pilipinas. Nakipag-ugnayan si Miles kay Hontiveros para humingi ng tulong dahil ayon sa kanya, napakarami pang Pinoy na nangangailangan ng rescue sa Cambodia.

Lahad ni Miles, pinangakuan sila ng customer service o call center jobs. Gayunpaman, tulad ng nalaman ng senador mula sa mga biktima mula sa Myanmar, ang mga OFW sa Cambodia ay napilitan ring manloko ng mga foreigners, mula US at Canada.

Kinakaibigan rin nila ang mga ito upang hikayatin na maglabas ng kanilang ipon at ilagay ito sa mga pekeng crypto accounts.

“Kapag wala kang nakukuhang kliyente, ang ginagawa, pinagtratrabaho [kami] ng mahigit 16 hours, walang tulog, 7 days a week … Meron po akong nakita at narinig ko po mismo na kinuryente na kasamang empleyado,” kuwento ni Miles.

Na-traffic si Miles palabas ng NAIA at papunta sa Thailand, at pinasakay sa van papuntang Cambodia. Ang iba, ibinahagi niya, ay lumipad mula sa Clark sa Pampanga papuntang Cambodia, o mula sa Zamboanga at sa Malaysia o iba pang mga bansang ASEAN bago magtungo sa Cambodia.

Nailigtas an grupo ng mga Pilipinong kinabibilangan ni Miles noong Lunes ng gabi ng mga awtoridad ng pulisya ng Cambodian, salamat sa pagsisikap ng Philippine Embassy sa Phnom Penh. Sumulat si Hontiveros sa DFA para mapadali ang kanilang mabilis na pagpapauwi. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on