Ibinasura ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang kasong murder laban sa 17 pulis kaugnay sa pagpatay kay labor leader Emmanuel Asuncion noong 2021 sa Cavite sa tinaguriang “Bloody Sunday” raid.
Nakasaad sa resolusyon ng DOJ na natanggap ng abogado ng asawa ni Asuncion na si Liezel noong Enero 16, na ibinabasura ang murder complaint laban sa 17 pulis Rizal at pulis Laguna dahil sa kawalan ng ebidensya.
Ang nasabing bilang ng pulis ay parte ng team na nagsilbi umano ng search warrant sa opisina ni Asuncion sa Dasmariñas, Cavite.
“We lament the demise of Emmanuel Asuncion. However, complainant and the evidence she submitted failed to discharge the obligation to prove the existence of a crime and identify the perpetrators thereof. In the absence of proof, there could be no probable cause to charge the respondents,” saad sa 23-pahinang resolusyon.
Matatandaang iginiit ng pulisya na nanlaban si Asuncion nang isilbi ang warrant ngunit sinabi ng pamilya ng labor leader at mga abogado na niransak ng mga pulis ang gate at ang main door ng kanyang opisina nang hindi nagpapakita ng anumang warrant.
Pagkatapos ay dinala umano si Asuncion sa hagdanan at kalaunan ay pinatay.