Sampung taon mula nang maisabatas ang Kasambahay Law na isinulat ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, isinusulong naman nito ngayong amiyendahan ito upang bigyan ng karampatang proteksyon ang mga employers at kanilang mga pamilya mula sa mga namamasukang domestic helper na may criminal record.
“Ang Batas Kasambahay, na isang landmark legislation na naglalatag ng mga karapatan at pananagutan sa batas ng mga kasambahay at kanilang mga employer, ay dumaan sa masusing proseso sa loob ng ilang taon bago ito naging isang ganap na batas,” sabi ni Estrada, punong may-akda at sponsor ng RA 10361 na kilala rin sa tinatawag na ‘Domestic Workers Act’ at naging ganap na batas noong Enero 18, 2013.
“Bagama’t nakita natin sa mga nakalipas na taon ang mga benepisyo nito para sa mga kasambahay, may mga pangangailangan para paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga employer,” dagdag niya.
Ipinapanukala ni Estrada ang pagrepaso ng RA 10361 sa pamamagitan ng kaniyang ipinasang Senate Bill No. 456 na nagrerekomenda ng pagtatatag ng mas mabigat na responsibilidad at pananagutan sa mga private employment agencies (PEAs).
Sabi niya, dapat tiyakin ng mga PEAs na walang criminal record ang kasambahay na kanilang tinatanggap at nirerekomenda sa mga employer.
Saad pa ni Estrada, ang mga PEA ay may pananagutan sa pagtiyak ng sapat na impormasyon, katulad ng tirahan at family background at pagsasagawa ng aktwal na beripikasyon at kaukulang dokumento kabilang ang mga clearance barangay, pulis at National Bureau of Investigation (NBI) pati na rin ang birth certificate.
Sa kaniyang ipinapanukalang sub-section sa Section 36 ng nasabing batas, nakasaad dito na may kakaharaping pananagutan sa batas ang mga PEA sakaling makagawa ng anumang krimen ang kasambahay na kanilang inirekomenda sa unang taon ng paninilbihan.
“Wala nang responsibilidad ang mga PEAs matapos ang unang taon ng paninilbihan,” saad ni Estrada.
“Matapos ang isang dekada ng pagpapatupad nitong Batas Kasambahay, nakita natin na kailangang paigtingin ang proteksyon maging ng mga employer mula sa mga mapagsamantala at kawatang nagkukunwaring mamasukan na kasambahay,” sambit pa niya. (Dindo Matining)