WebClick Tracer

Cynthia Villar binanatan ASIN law:  ‘Pinatay nito ang salt industry’

Kinastigo ni Senador Cynthia Villar sa Act for Salt Iodization Nationwide (Asin) law dahil ito ang dahilan ng pagkasira ng industriya ng asin sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform, sinabi ni Villar na dahil sa naturang batas, inoobliga nito ang mga local salt producer na iodize ang sikat na food seasoning na ito.

Nagresulta din aniya ito sa pagsimula ng pag-angkat ng non-iodized salt.

“Ano ba’ng malaking kalokohan ‘yan?” naiinis na pahayag ni Villar.

“’Di sana pinayagan ’nyo na lang ‘yung local producers na hindi iodized at ni-require ‘nyo na lang na may manufacturer na mag-iodize kung ganu’n din lang ang gagawin ‘nyo na mag-i-import kayo ng hindi iodized tapos ire-require ‘nyong iodized,” diin pa niya.

“Why was this law passed? Sino ba ang nag-advise sa Congress na i-pass ‘tong salt iodization law na ‘to? Sabihin ‘nyo sa’kin kung sino ba ang nag-influence sa Congress na i-pass ‘to? Pinatay nito ang salt industry. Bakit ‘nyo pinapatay ang salt industry?” tanong pa niya.

Ipinasa ang Asin law noong 1995 sa ilalim ni dating Pangulong Fidel Ramos sa layuning maglagay ng iodine sa asin para masugpo ang micronutrient malnutrition sa bansa.

Paliwanag naman ni Ellen Ruth Abella ng National Nutrition Council, mataas ang iodine deficiency sa Pilipinas kaya ginawa ang nasabing batas.

“During the time when the law was being developed or formulated, the level of iodine deficiency in the Philippines was quite high, and one of the identified source or vehicle for iodine that is always consumed or regularly consumed or commonly consumed in the household is salt,” ani Abella.

Subalit giit ni Villar, hindi naman sanay ang mga salt producer sa iodization process.

“Tumigil ang mga salt producer kasi ‘yung requirement n’yong iodization, hindi nila kaya ‘yun. Kasi for you to iodize, you have to have a processing [facility],” ani Villar.

“You have to understand our small farmers. They are not as well educated as you are,” pagpapatuloy pa niya.

Nabuwisit din ang senadora nang walang ahensya ng gobyerno ang umako na sila ang in charge sa salt industry.

“Wala na ngayong uma-admit kung sino’ng in charge. You let the whole industry deteriorate by agreeing to that Asin law na sabi nga dito sa study, one-third lang ang dapat iodized for human consumption, two-thirds is for other uses. Bakit ni-require lahat?” sabi pa ni Villar.

Aniya, dapat ang Department of Agriculture ang manguna sa pag-develop ng industriya ng asin dahil isa naman umano itong food product.

“Nagtataka ako sa gobyernong ito. Kapag import nagkakagulo kayo kung sino ang in charge pero pag developmental walang gustong umamin sino ang in charge,” ani Villar.

“Bakit ikaw ang mag-iimport? Alam mo bang ang sitwasyon ng supply and demand? Do you have a knowledge on the salt industry, FDA? Ano ang basis ng importation?” tanong pa niya.

Paliwanag naman ni FDA regulation officer Givinia Tuason, hindi sakop ng FDA ang non-iodized salt subalit giit ni Villar at Senador Joel Villanueva, iligal ito sa ilalim ng ASIN law. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on