WebClick Tracer

1.3M Pinoy makikinabang sa pagbaba ng income tax rate – Gatchalian

Mahigit 1.3 milyong Pinoy ang makikinabang sa pagbaba ng income tax rates sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law in 2023, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

“Halos 1.3 million ang makikinabang dito sa pagbaba ng income tax rate,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate ways and means committee sa panayam sa telebisyon.

“Maganda nga ‘yung timing kasi marami tayong pangunahing bilihin na tumataas ngayon at itong mauuwi nilang mas malaking take home pay ay magagamit nila sa mga pangunahing bilihin,” dagdag niya.

Sabi ni Gathalian, isa sa mga may-akda ng TRAIN law, hindi makakaapekto sa mga proyekto ng gobyerno gayundin sa mga serbisyo ang pagbababa ng income tax rates dahil tataas naman ang SIN Tax ngayong 2023.

“Ang nangyari dito bumababa ang ating buwis pero tumaas naman ‘yung Sin Taxes katulad ng alcohol, sigarilyo…kasi gusto rin natin maging healthy ang ating mga kababayan kaya tinaasan nang kaunti itong mga Sin Taxes,” paliwanag ng senador.

Nauna nang inihayag ng Bureau of Internal Revenue na simula Enero 1, 2023, ang taunang taxable income na mababa sa P250,000 ay exempted sa pagbabayad ng personal income tax habang ang ibang taxpayers, maliban ang mga taxable income na higit P8  milyon ay magkakaron ng lower tax rates mula 15% hanggang 30% ngayong 2023. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on