WebClick Tracer

Scholarship sa mga gustong maging abogado isinusulong ni Villanueva

Naghain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng scholarship para sa mga naghahangad na mag-aral ng abogasya.

Layunin ng Senate Bill No. 1639 na amyendahan ang Republic Act No. 7662, o ang ‘Legal Education Reform Act of 1993’ upang itatag ang ‘Legal Scholarship and Return Service Program (LSRS)’.

“Lubos na kailangan ng mas maraming public defenders sa ating bansa dahil mayroon lamang tayong 2,500 na abogado ang Public Attorneys Office (PAO) at bawat isa sa kanila ay humahawak ng 5,300 kaso bawat taon,” pahayag ng Majority Leader sa kaniyang talumpati matapos siyang gawaran ng Bulacan State University ng Doctor of Laws degree, Honoris Causa, noong Enero 12.

Sa isang pag-aaral noong 2016, mayroon lamang isang abogado kada 2,500 Pilipino. Higit na mataas ito kumpara sa Estados Unidos na may 1 abogado sa kada 248 residente, sa Italy na may 1 abogado sa kada 260 residente at Germany na may 1 abogado sa kada 560 residente.

Sinabi pa ni Villanueva na ang programa ay magiging katulad ng Doktor Para sa Bayan Act na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11509, na siyang naging principal author at sponsor noong nakaraang Kongreso.

“Binalangkas natin ang panukalang batas na ito dahil sa inspirasyong binigay sa atin ng ‘Doktor para sa Bayan Act’ na nagbibigay ng mga scholarship sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa mga State Universities at Colleges at sa mga partner private education institutions,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala ni Villanueva, isasama sa LSRS ang ang libreng tuition at iba pang bayarin sa eskwelahan, allowance para sa libro, clothing o uniform allowance, allowance para sa dormitory o boarding house, transportation allowance, bar review fees, medical insurance at iba pang education-related miscellaneous subsistence o living allowances.

Nakasaad din sa panukalang batas na dapat magbigay ng “return service” o isang taong serbisyo sa kada taong nakinabang sa libreng pag-aaral ng abogasya ang scholar sa pamamagitan ng pro bono legal services ng PAO o sa iba pang ahensya ng gobyerno na nangangailangan ng mga abogado. Bibigyan sila ng naaangkop na civil service rank, sweldo at mga benepisyo.

Umaasa si Villanueva na sa pamamagitan ng programang ito ay mas marami pang mabibigyan ng oportunidad na mag-aaral ng abogasya at makahubog ng mga public defender na magtataguyod sa mga pagpapahalaga ng katotohanan, katarungan at katatagan.

Si Villanueva ang kauna-unahang indibidwal na tumanggap ng Doctor of Laws degree, Honoris Causa mula sa unibersidad. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on