WebClick Tracer

Panukalang ilipat sa Lunes ang mga holiday na tatapat sa weekend, pag-aaralan ng NEDA

Pag-aaralan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang panukalang batas na isinampa sa senado para ilipat sa Lunes ang mga holiday na matatapat sa araw ng Sabado at Linggo.

Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon bilang sagot sa panukala ni Senador Raffy Tulfo.

Ayon kay Edillon, dadaan sa kanilang pag-aaral at analysis ang panukalang ito ng senador dahil kailangang mabalanse kung ano ang bentahe nito at disbentahe sa mamamayan at sa pribadong sektor.

Sinabi ng opisyal na makakatulong sa domestic tourism ang panukala subalit mayroong katapat na gastos ito para sa isang pamilya.

“Lahat po yan binabalanse natin. Alam natin na makakatulong talaga ito sa domestic tourism pati na rin sa work-life balance. Ang kailangan lang natin is make sure that it doesn’t add to the cost of doing business.Kasi alam natin na yung mga holidays may dagdag na bayad yan,” saad ni Edillon.

Kapag aniya nakakuha sila ng kopya ng panukala ni Tulfo ay bubusisiin nila ito para makita ang kabuuang benepisyo.

Kailangan din aniyang ikunsidera ang dagdag na gastos ng isang kumpanya kapag inilipat sa Lunes ang mga holiday na tatapat sa weekend, pati na ang isang pamilya na sa halip makatipid ay magkakaroon ng dagdag gastos kapag ginamit ito para sa kanilang pamamasyal sa mga magagandang lugar sa bansa.

“Titingnan natin we will do the analysis, i-estimate natin kung ano ang magiging net benefit na ito to the society, kung ano ang magiging dagdag na cost at the same time puwedeng magkaroon ng dagdag na consumption na puwedeng magbigay ng positive. Pero ito ay pag-aaralan namin,” dagdag ni Edillon. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on