WebClick Tracer

Mga website ng e-sabong pinabubuwag

Pinabubuwag ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ang ilang websites na nag-ooperate ng online sabong.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Spokesman Colonel Jean Fajardo na naisumite na nila sa NTC at DICT ang mga natukoy na websites para hindi na makapag-operate ang mga ito.

Ang nabanggit na dalawang ahensiya lamang aniya ang may otoridad na magpasara ng websites sa bansa.

“May mga isinabmit na po tayo na mga website, na mga account sites po sa DICT, pati na rin po sa NTC, dahil sila lang po ang may authority para mai-take down po itong mga na-monitor po through cyber patrolling po ng ACG natin,” ani Fajardo.

Ilan aniya sa mga naipasara na ng PNP na nag-o-operate ng e-sabong ay mula sa Cebu at naaresto ang mga nagpapatakbo nito.

Tiniyak ni Fajardo na magtutuloy-tuloy ang kanilang operasyon upang mawala na ang e-sabong sa bansa.

“Magtutuloy-tuloy ito bilang bahagi ng ating intensified campaign against proliferation ng e-sabong activities po,” dagdag ni Fajardo.

Ang e-sabong ay ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos mapatunayan ang report na maraming mga Pilipino ang nalulong sa nabanggit na sugal at maraming pamilya ang nawasak dahil dito. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on