WebClick Tracer

Mas maraming oportunidad para makapagtrabaho seniors itinulak ni Rep. Duterte

Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad na makapagtrabaho ang mga senior citizen upang matugunan ang kanilang pinansiyal na pangangailangan.

Upang mahikayat ang mga pribadong kompanya, itinulak ni Duterte na dagdagan ang tax incentives na makukuha ng mga ito sa pag-empleyo ng mga senior citizen.

“Age has been a constant barrier to opening employment opportunities for many of our physically and mentally able senior citizens who want to continue working to help augment the meager pension and retirement savings they have,” sabi ni Duterte.

Inihain nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano ang House Bill 2384 upang maitaas ang tax deduction sa 25% mula sa 15% ng halaga ng ibinayad ng kompanya na suweldo sa mga empleyado nitong senior citizen.

“The private sector can benefit from the skills that senior citizens have acquired from their long years of hard work. Also, our senior citizens can continue to contribute to our post-pandemic economic growth,” dagdag pa ni Duterte.

Nakasaad naman sa HB 2384 na para magamit ang deduction, ang senior citizen ay dapat nakapagtrabaho ng anim na buwan sa naturang kompanya at ang taunang kita ng senior citizen ay hindi dapat lagpas sa poverty threshold na itinakda ng National Statistical Coordination Board (NSCB) o National Economic and Development Authority (NEDA).

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ni Duterte na 8.5% (9.22 milyon) ng populasyon ay edad 60 pataas noong 2020. Mas mataas ito sa 6.5% (7.53 milyon) na naitala noong 2015.

Sa pagtataya ng Commission on Population and Development, 14% ng populasyon ay magiging edad 60 pataas sa 2035.

Ayon naman sa Department of Social Welfare and Development, halos 1.3 milyong senior citizen ang mahihirap. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on