WebClick Tracer

‘Honest to goodness’ na Basic Education Report nais ni Gatchalian

Nakatakdang ilabas ng Department of Education (DepEd) ang basic education report sa katapusan ng buwan at umaasa si Senador Win Gatchalian ang isang ‘honest to goodness’ o tapat na assessment sa sektor, kabilang na ang mga tiyak na hakbang upang tugunan ang krisis na kinakaharap ng bansa sa edukasyon.

Ibabahagi ng DepEd ang Basic Education Report (BER) 2023 sa Enero 30, kung saan isasaad ang lagay ng basic education sa bansa. Magiging bahagi ng ulat ang mga update sa isinasagawang review sa K to 12 curriculum.

Ayon kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, kinakailangan ang isang honest to goodness assessment upang matalakay nang husto ang mga hamong kinakaharap ng mga sektor, lalo na’t lumala ang mga hamong ito dahil sa pandemya ng COVID-19 at ang matagal na pagkawala ng face-to-face classes.

Tinukoy din ni Gatchalian ang papel ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) upang talakayin ang krisis sa sektor ng edukasyon at magpanukala ng mga kinakailangang reporma.

Mandato sa EDCOM II na repasuhin ang performance ng sektor ng edukasyon at magrekomenda ng mga repormang mag-aangat sa competitiveness ng mga Pilipino. Co-chairperson si Gatchalian ng komisyon na nakatakdang magsimula ng pag-aaral ngayong Enero.

“Upang matugunan natin ang krisis sa sektor ng edukasyon, kailangang kilalanin natin kung gaano kabigat ang mga hamong ating kinakaharap. Patuloy din nating isusulong ang mga kinakailangang reporma upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya,” saad ni Gatchalian. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on