Pinagbibitiw ni Senador Raffy Tulfo ang mga opisyal ng Bureau of Customs dahil sa pagkabigong makakuha ng impormasyon tungkol sa mga agricultural smuggler sa bansa.
“Kung sasabihin niyo, ‘Hindi po namin alam yan. Ngayon lang namin narinig,’ then you should resign especially kayo d’yan sa intelligence ng Customs,” pahayag ni Tulfo sa pagdinig ng Senate committee on agriculture kaugnay ng napakataas na presyo ng sibuyas sa bansa.
Giit naman ni BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, hihilingin niya sa Customs Intelligence Investigation Service (CCIS) na magpadala ng ulat sa tanggapan ni Tulfo patungkol sa agricultural smuggling sa bansa.
Subalit sabi ni Tulfo, aksiyon ang kailangan niya at hindi ang report ng BOC.
Samantala, inirekomenda naman ni Senador Robin padilla na ipa-subpoena ang mga diumano’y smugglers na pinangalan sa isang artikulo na nabanggit ni Senador Cynthia Villar, chair ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform, sa pagdinig.
Sabi naman ni Villar, pag-aaralan niya ang suhestiyon ni Padilla dahil ilan umano dito ay naimbestigahan na sa mga nagdaang Kongreso.
Ayon pa kay Villar, pagod na umano siyang mag-imbestiga tungkol sa diumano’y smuggling ng mga agricultural product dahil paulit-ulit lang aniya ang nasabing problema.
“Kaya ako medyo tinatamad na ako mag-investigate. Imagine, ang tagal tagal na n’yan. It’s common knowledge. Magbabait sila pag nag-investigate ka, tapos uulit uli,” ani Villar.
“… e bakit hindi niyo pa ikulong para tapos na ang problema natin kasi kung wala kayong ikinukulong walang madadala, walang matatakot. mag-sample naman kayo,” saad pa ng senadora. (Dindo Matining)