WebClick Tracer

Private stakeholders nag-alok ng tulong sa gobyerno laban sa talamak na smuggling ng agri-products

Nag-alok ng tulong ang iba’t ibang grupo mula sa sektor ng agrikultura para tulungan ang gobyerno na labanan ang talamak na smuggling ng produktong agrikultura sa bansa, gaya ng sibuyas, asukal, isda, bigas, mais, carrots, karne at iba pa.

Ito ay matapos ihayag ni Atty. Asis Perez, convenor ng Tugon Kabuhayan na nakatakdang sampulan at sampahan ng kaso ng Department of Agriculture (DA) sa loob ng linggong ito ang ilang hinihinalang smugglers sa pamamagitan ni Assistant Secretary James Layug ng Inspectorate and Enforcement Group.

Ayon kay Perez, matagal ng problema ang talamak na smuggling na siyang nagpapahina sa lokal na produksiyon ng mga magsasaka at nakakasira sa ekonomiya ng bansa dahil sa hindi tamang pagbabayad ng buwis ng mga smuggler.

“The persistent entry of these undocumented products in our country is also threatening our economy in terms of revenue loss and untaxable commodities,” saad ni Perez.

Sa tulong aniya at kooperasyon ng mga stakeholder mula sa fish sector, broiler raisers association at Philippine Maize Federation at iba pang grupo ay mapapalakas ang paglaban ng gobyerno sa mga sindikato ng smuggling.

Kinatigan ng grupo ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kaya talamak ang problema sa smuggling ay dahil walang sistema o kung hindi man ay palpak ang ibang ahensya ng pamahalaan.

Sinabi naman ni JonJon Roderick Santos ng Association of Fresh Fish Traders of the Philippines na dapat isama ang stakeholders at bigyan ng papel sa implementasyon ng batas kontra smuggling upang mabantayan ang mga ahensya kapag nalilingat sa mga ginagawa ng smugglers.

“Alam natin na pag mainit, nawawala ang smuggling. Pag lumipas, bumabalik. Dapat sa sistema, kasama tayo bilang stakeholders na merong involvement sa enforcement ng batas para may consistency. Dahil pag nalingat ang pusa, andyan na naman [ang smugglers]. Araw-araw kinakaharap natin ang problemang ito…involve the stakeholders,” saad ni Santos. 

Sinabi ng grupo na hindi lamang ekonomiya ang naapektuhan sa illegal na pagpupuslit ng mga kontrabando sa bansa kundi ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan lalo na kung kontaminado ang mga ito ng African Swine Fever at cocolisap.

Ayon pa sa grupo, dapat mahigpit na maipatupad ang Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997, lalo na sa probisyon ng data and quarantine upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Batay sa report ng Bureau of Customs nitong Disyembre 2022, tinatayang P1.2 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang smuggled na agricultural products sa bansa nitong nakalipas na taon. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on