WebClick Tracer

Pagbabalik ng libreng sakay madaliin—Villafuerte

Umapela si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Department of Transportation (DOTr) na masusing makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para agad na maibalik ang Libreng Sakay program sa EDSA Carousel.

Sinabi ni Villafuerte na dapat tiyakin ng DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mapoproseso ng mabilis ang mga kinakailangang dokumento kasama na ang kontrata ng gobyerno sa dalawang bus consortium– ES Transport & Partners Consortium at Mega Manila Consortium Corp.— na kasali sa programa.

“With the rate of commodity price hikes in December rising at its fastest in 14 years, it is incumbent upon the DOTr to work closely with the DBM on speeding up the paperwork needed to restart Libreng Sakay,” sabi ni Villafuerte, pangulo ng National Unity Party (NUP), ang ikalawang pinakamalaking partido sa Kongreso.

Nauna ng sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na may nakalaang P1.285 bilyong pondo para sa Service Contracting Program (SCP) ng DOTr para makapagbigay ng Libreng Sakay sa EDSA Carousel na ang biyahe ay mula Manila Central University (MCU) sa Caloocan City hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Umapela rin si Villafuerte kay Transport Secretary Jaime Bautista na humirit ng dagdag pondo sa Malacañang o DBM para madagdagan ang pondo.

Sa pagtataya ng LTFRB ang pondo ay tatagal lamang ng anim na buwan.

Sinabi ni Villafuerte na makatutulong ng malaki ang libreng sakay sa mga komuter.

Noong 2022, umabot sa 165 milyon ang libreng sakay na naibigay sa ilalim ng programa o average na 389,579 pasahero kada araw. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on