Nanawagan si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa mga kritiko ng Maharlika Investment Fund (MIF) na hayaan ang panukala na patunayan ang magiging kahalagahan nito.
Ayon kay Villafuerte ang malawak na suporta ng publiko sa MIF ay patunay na dapat itong hayaan na mapatunayan na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.
Nauna rito, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Carlos Sorreta na magkakaroon ng soft launch ang MIF sa pagpunta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2023 World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
“With one in every two Filipinos who are aware of the MIF actually supportive of this President-endorsed HB 6608, there is reason for even the doubting Thomases to give this proposal a chance to prove its worth once the Senate further tweaks and passes this year its own version that would likely address other concerns, if any, raised by skeptics and other critics,” sabi ni Villafuerte.
Ang tinutukoy ni Villafuerte ay ang nationwide survey ng market research at opinion pollster Tangere noong Disyembre 8-10 kung saan 54.08% ng mga pamilyar sa panukala ang nagpahayag ng pagsuporta rito.
Sa mga sumusuporta sa panukala, 65.47% ang naniniwala na napapanahon ito, 57.86% ang nagsabi na mahalaga ito upang magawa ang mga proyekto ng administrasyon, at 56.67% ang nagsabi na makatutulong ito sa paglago ng ekonomiya.
Ipinunto ni Villafuerte na natugunan na ng Kamara de Representantes ang mga ipinahayag na pag-aalinlangan sa panukala.
Sa bersyon na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa, inalis na ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) bilang panggagalingang ng investment fund at pinayagan ang Commission on Audit (COA) na mabantayan ang pondo bukod pa sa internal at external auditor.
Mayroon ding penal provision ang panukala kung saan maaaring makulong ng anim hanggang 20 taon at magmulta ng hanggang P5 milyon ang lalabag. (Billy Begas)