WebClick Tracer

Poe: CAAP, 3 taong walang maintenance check sa air traffic system

Bagama’t nakaisang pagdinig na ang Senate committee on public services, hindi pa alam ng mga senador kung ano talagang eksaktong nangyari sa aberya sa air traffic control system na nagpabagsak ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Bagong Taon, ayon kay Senador Grace Poe.

“Mabuti na lang nagkaroon tayo ng pagdinig dyan, kasi unang-una, kahit hindi pa natin alam eksakto kung ano talaga ang nangyari, marami tayong natutunan na maaaring nagawa para hindi nangyari ito,” sabi ni Poe, chairman ng Senate public services committee sa panayam sa DZBB.

Kung may natuklasan man ang komite, ayon kay Poe, ito ay ang ilang taon nang hindi pagsagsasagawa ng ng maintenance check-up ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kanilang air traffic control system.

Kung meron mang maintenance, ayon kay Poe, sila-sila lang umano sa CAAP ang gumagawa at hindi ang Sumitomo at Thales na siyang service provider ng mga equipment sa air control system.

“Ito ‘yung naging problema sa kanilang sistema. Sila-sila lang ang nag-aayos, bagama’t sila ay kwalipikado sa isang lebel, hindi naman po sila talaga 100 percent na certified para diyan dahil hindi naman sila ang manufacturer,” ani Poe.

Ayon pa sa senadora, halos tatlong taon na umanong walang maintenance check sa air traffic control system sa NAIA.

“So dapat kasama diyan, sinabi ng Sumitomo at saka ng Thales, dapat at least every year ‘yan nagkakaroon ng maintenance check. Hindi nila ginagawa, hindi po ginawa ng CAAP ‘yan magmula noong 2020, so halos magtatatlong taon na hindi po nache-check kung maayos ba ang pagtakbo ng mga air traffic control system na ‘yan,” ani Poe.

“At anong dahilan? Sabi nila dahil nasa negosasyon pa raw kung magkano ang magiging serbisyo na ‘yun. So para sa amin sa Senado, wag naman ninyong ipagsapalaran ang isang bagay na napakahalaga para sa kaligtasan ng ating mga kababayan. So ‘yan ang una na napansin natin, hindi pala sila nagme-maintenance check kasama ng manufacturer,” sambit pa niya.

Maliban diyan, sinabi pa ni Poe na hindi rin updated ang software na kailangan para maging compliant sa iba’t ibang mga sistema sapul pa noong 2020.

“So tinanong namin bakit hindi pa ninyo naa-upgrade, ‘Ah kasi kapag inaupgrade mo ‘yan meron kang mga kailangan pang bilhin na iba pang bagay para magkatugma doon sa bagong upgraded system.’ Susmaryosep di ba?” dismayadong pahayag pa ng senadora. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on